MANILA, Philippines — Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go, bilang chair ng Senate committee on health and demography, sa 5th anniversary celebration ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) sa SMX Convention Center sa Davao City.
“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, pinagtitibay natin ang ating paninindigan na hindi tayo basta-basta magpapatalo sa kanser. Simbolo ito ng ating pagkakaisa at determinasyong magbigay ng mas mataas na kalidad ng buhay sa bawat Pilipino. Nakatuon ito sa pagpapalawak ng edukasyon sa kanser at pagpapahusay ng mga pamamaraan sa screening ng ganitong sakit,” sabi ni Go.
Mula nang maisabatas noong 2019 sa ilalim ng Republic Act No. 11215 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang NICCA ay naging pundasyon ng batas sa kalusugan ng bansa na naglalayong pahusayin ang mga serbisyo sa cancer care at gawing mas accessible at abot-kaya ang mga ito para sa mga Pilipino.
“Hindi maikakaila na ang kanser ay isang salot sa ating lipunan na nagdudulot ng matinding pasakit, hindi lamang sa mga pasyente kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay. Ang cancer ay isa sa pinakakinatatakutang sakit. Kapag nagka-cancer ka, paniguradong hirap ka talaga,” ani Go.
Kinilala bilang isang “Cancer Warrior” sa paglulunsad ng Cancer Warrior PH Campaign noong Pebrero 6, iginiit ni Senator Go na ang laban sa cancer ay isang shared responsibility, at ang bagong strategic framework ay kumakatawan sa isang collective commitment para mabawasan ang epekto ng sakit na ito sa mga pamilyang Pilipino.
Noong 2023, niraranggo ang cancer bilang pangalawang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority.