'Walang puso': Manggagawa sinopla posisyong 'anti-wage hike' ng gobyerno bago Valentine's

In this photo from their Facebook page, members of Labor Alliance for National Development KMU campaign for higher wages.

MANILA, Philippines — Kinastigo ng isang progresibong grupo ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ilang mambabatas tungkol sa panawagan umento sa sahod ilang araw bago ang Araw ng mga Puso.

Ito ang sinabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ngayong Martes matapos ang mga binitiwang salita nina Labor Secretary Bienvenido Laguesma, Albay Rep. Joey Salceda at Marikina Rep. Stella Quimbo kamakailan kaugnay ng panukalang P100 wage hike.

"Bukas, Araw na ng mga Puso. Pero may mga opisyal ng gobyerno na walang puso sa’ting mga manggagawa," ani Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis.

"Ang gusto ata nila, magdumilat ang manggagawa sa gutom habang bilyun-bilyon ang tubo ng mga negosyante. Eh sino ba nagtrabaho doon, di ba tayong mga manggagawa?"

"Una nang sinabi nina Laguesma na maaaring mahirapan ang mga maliliit na negosyong sumunod sa taas sahod kung sakaling tuluyang maipatupad bilang batas, bukod pa sa diumano'y pagpapataas nito sa presyo ng bilihin (inflationary effect)."

Ani Laguesma, mahigit 900,000 negosyo raw kasi sa bansa ang nasa kategorya ng micro, small, and medium enterprises o MSMEs.

Pero sagot ni Adonis, sinasabing tumaas ang labor productivity at tumabo ng P16. 7 trilyong kita ang top 1000 corporations noong 2022 — patunay aniya ng kanilang kakayahang magbayad ng manggagawa."Mas malaki ang bilang ng manggagawa na nagtratrabaho sa malalaking korporasyon kumpara sa MSMEs," paliwanag pa ni Adonis.

"Sa katunayan, kaming mga nangangampanya para sa dagdag-sahod ay nananawagan din ng wage subsidy upang agapayan ng gobyerno ng maliliit na negosyo na maibigay ang dagdag-sahod."

Wika pa ng KMU, umambag ang Wage Rationalization Act atbp. polisiya ng gobyerno sa napakababang sahod. Ginagamit din daw itong pang-engganyo sa foreign direct investments para magmukhang kaiga-igaya sa dayuhang mamumuhunan.

Binanatan din ng KMU ang ilang mambabatas na inuuna aniya ang Charter Change, gayong malayo sa "family living wage" na P1,193/araw ang minimum na pasahod.

Inimbitahan din ng mga manggagawa ang publiko na samahan sila sa kanilang pagkilos sa ika-25 ng Pebrero kasabay ng EDSA Day protests, habang dala ang panawagang "sahod hindi Cha-Cha."

Show comments