MANILA, Philippines — Naglabas na kahapon si Vice President Sara Duterte ng reaksiyon hinggil sa panawagan ng kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian Duterte, sa kanyang kaalyadong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na magbitiw na sa tungkulin kung wala naman aniya itong pagmamahal sa bansa.
Ayon kay VP Sara, na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd), hindi pa niya nakakausap ang kanyang kapatid hinggil sa naging panawagan nito sa pangulo.
Gayunman, ang maaari lamang aniya niyang maging sapantaha sa ngayon hinggil dito, ay ginawa ng kapatid ang panawagan bilang pagmamahal sa kanya, bunsod na rin ng sentimyento na hindi niya ‘deserve’ ang ginagawang pagtrato sa kanya ng ilang sektor, na nasa sirkulo ng pangulo.
Sa kabila nito, tiniyak ng bise presidente na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin at kakayanin ang anumang pag-atake at paninira sa kanya, na kaakibat aniya ng boto at tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng mga mamamayan.
Paniniguro pa niya, hindi siya kailanman panghihinaan ng loob at patuloy na gagampanan ang kanyang tungkulin, kabilang na ang pagiging kalihim ng DepEd, maliban na lamang kung mismong pangulo na ang aayaw dito.