MANILA, Philippines — Suportado ni Senador Win Gatchalian ang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) para sa pagbabalik ng dating school calendar na nagsisimula sa Hunyo at nagtatapos ng Marso o Abril.
Nauna rito, ipinanawagan ni Gatchalian ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar na magbibigay sa mga mag-aaral ng pagkakataong makasama ang kanilang mga pamilya, lalo na’t sa panahon ng tag-init o summer kung kailan madalas ginaganap ang mga family outing.
Ipinunto rin ni Gatchalian na dahil sa buwan ng Mayo ginaganap ang halalan, maaaring magbigay ng mas mahabang panahon sa paghahanda kapag bumalik sa dati ang school calendar.
Sa isang Pulse Asia survey na isinagawa mula Hunyo 19-23, 2023, 80% ng mga Pilipino ang pabor sa pagbabalik ng summer break sa Abril at Mayo.
Matatandaang naghain si Gatchalian ng Proposed Senate Resolution No. 672 noong nakaraang taon upang suriin ang mga batayan ng school opening.
Sa isang pagdinig, binigyang diin ng PAGASA na bagama’t hindi kasabay ng kasalukuyang school calendar ang mga araw na may malakas na ulan at mas kaunting mga class cancellation dahil sa mga bagyo, kasabay naman nito ang mga araw na sobrang init. Binigyang diin din ng ahensya na umakyat na ng 0.75 porsyento ang average na temperatura sa Pilipinas.