MANILA, Philippines — Ipinaalala ng Supreme Court (SC) sa militar at iba pang law enforcement units na kailangan munang kumuha ng “written surveillance order” mula sa Court of Appeals bago magsagawa ng “wiretapping” sa mga pinaghihinalaang teroristang organisasyon.
Ang naturang probisyon ang isa sa nakasaad sa Anti-Terrorism Act of 2020 na nakatakdang maging epektibo sa darating na Enero 15, 2024.
Sa ilalim ng panuntunan, makarang makakuha ng surveillance order, maaaring kumuha ang sinumang law enforcement agency ng kinakailangang impormasyon, datos, at laman ng komunikasyon sa mga service provider at maging ang pagpreserba nito, ukol sa sinusubayayang indibidwal o organisasyon.
Ngunit nakasaad rin naman sa inilabas na panuntunan ang mga pamamaraan na susundin ng isang indibidwal o organisasyon na nais matanggal ang designasyon nila na terorista ng Anti-Terrorism Council at ang pagpigil sa freeze order ng Anti-Money Laundering Council.
Malinaw rin na nakasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng anumang uri ng pagto-torture at iba pang uri ng pagmamalabis sa imbestigasyon o interogasyon.
Kung may maaaresto na pinaghihinalaang terorista, nakasaad sa anti-terror law na hindi sila maaaring iditine ng lalagpas sa 14 na araw at ayon sa itatalagang Regional Trial Court ng higit sa 10-araw.
Mahigpit na parurusahan ang isang opisyal na magkukulong sa isang pinaghihinalaan o mabigo na ibigay sila sa tamang awtoridad sa loob ng 12 hanggang 36 na oras.
“The parties can likewise avail of other existing remedies, such as the writs of habeas corpus, amparo, and habeas data, and appeals to the Supreme Court when appropriate,” ayon pa sa SC.