MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa epekto ng nakamamatay na watusi, lalo na't napapagkamalan itong "candy" ng mga bata dahil sa kulay at laki nito ngayong Bagong Taon.
Ayon sa DOH ngayong Huwebes, naglalaman ang firecracker na watusi ng yellow phosphorus, potassium chlorate, potassium nitrate, at trinitrotoluene (TNT) kung kaya't delikado.
Related Stories
"Ang paglunok ng Watusi ay nakamamatay. Dalhin agad ang pasyente sa emergency room. HUWAG bumili o payagan ang anumang Watusi na nasa iyong tahanan," wika ng DOH.
First aid sa watusi
Nagbigay ang Kagawaran ng Kalusugan ng mga agarang pwedeng magawa para sa mga mabibiktima ng naturang paputok.
Kung nalunok:
- huwag pasukahin ang pasyente
- bigyan ng anim hanggang walong hilaw na puti ng itlog (bata)
- bigyan ng walo hanggang 12 puti ng itlog (matatanda)
- dalhin kaagad sa pinakamalapit na emergency room ng ospital
Kung napunta sa mata:
- hugasan agad ng malinis na tubig nang hindi bababa sa 15 minuto
- panatilihing bukas ang talukap ng mata
- agad kumonsulta sa doktor
Kung napunta sa balat:
- hugasan agad nang maraming malinis na tubig ang apektadong lugar
- alisin ang kontaminadong damit (labhan ito bago isuot uli)
- kumonsulta agad sa doktor
Kung nalanghap:
- palanghapin ang pasyente ng sariwa at malinis na hangin
- panatilihing kumportable ang pasyente
- humingi agad ng tulong medikal
88 nabiktima ng paputok
Nadagdagan pa ng 13 panibagong kaso ng fireworks-related injuries ngayong araw. Ang mga biktima ay nasa pahgitan ng 5 hanggang 49-taong-gulang.
"Labindalawa (12) sa mga bagong kaso na ito ay nangyari sa bahay at sa mga lansangan," paliwanag ng DOH.
"Lima lamang (5, 42%) ang dahil sa iligal na paputok, habang mas marami ang aktibong nasangkot (9, 69%)."
Kasama ang mga bagong kaso ang unang insidente ng paglunok ng paputok, isang 4-anyos na lalaki mula CALABARZON na aksidenteng nakalunok ng watusi sa bahay.
Mayroon na ngayong 88 FRWIs sa kabuuan, kung saan tatlo ay bawat sampung kaso ay galing sa Metro Manila (35%), Central Luzon (12%), Ilocos Region (11%), Bicol Region (6%), Davao Region (6%) at Soccsksargen (6%).
"Siyamnapu't anim na porsyento (96%) ang nangyari sa bahay at sa mga lansangan; karamihan ay mga lalaking may aktibong pakikilahok," dagdag pa ng kagawaran.
"Ang nangunguna sa mga natukoy na paputok na nagdulot ng halos pito sa bawat sampung (68%) FWRIs ay ang Boga*, 5-Star*, Kwitis, Piccolo*, Pla-Pla*, Whistle Bomb, at Luces. Ang mga iligal na paputok (may marka ng asterisk) ay dapat sisihin sa humigit-kumulang anim sa bawat sampung kaso (52, 59%)."
Hinikayat naman ng DOH ang publikong magtulungan para mabawasan ang pinsalang dulot ng mga nabanggit na pyrotechnic devices.