MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaang ipatupad ang kani-kanilang mga ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng mapanganib na paputok ngayong Bagong Taon 2024.
Ito ang ipinanawagan ni DILG Secretary Benhur Abalos ngayong Miyerkules habang ipinapaalalang 1,210 local government units ang dati nang may ordinansang nagba-ban sa mga nabanggit.
Related Stories
"I continue to remind our LGUs, especially the ones with local ordinances already in place, na pangunahan ang pagtitiyak na malayo sa disgrasya ng paputok ngayong holiday season ang ating mga kababayan," ani Abalos kanina.
"Tiyakin po natin na napaiiral ang mga ordinansang ito. Lagyan natin ng pangil ang mga ordinansang ito laban sa mapanganib na paputok."
Narito ang bilang ng LGUs na may firecracker ordinances, batay sa datos ng DILG:
- Ilocos Region: 94
- Cagayan Valley: 84
- Cordillera Administrative Region: 56
- Central Luzon: 108
- National Capital Region: 17
- CALABARZON: 126
- MIMAROPA: 67
- Bicol Region: 63
- Western Visayas: 102
- Central Visayas: 91
- Eastern Visayas: 127
- Zamboanga Peninsula: 66
- Northern Mindanao: 86
- Davao Region: 23
- SOCCSKSARGEN: 37
- CARAGA: 63
Pinalakpakan naman ng kagawaran ang 35 LGUs na kamakailang kumasa sa panawagan ng DILG na magpasa ng mga kahalintulad na ordinansya upang matiyak na ligtas at injury-free ang pagsalubong sa 2024.
Idiniin ni Abalos ang paalalang ito matapos pumalo sa 75 ang nadidisgrasya ng paputok ilang araw bago ang ika-1 ng Enero. Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na umabot na sa anim ang kinakailangang putulan ng kamay o daliri.
"Walang saysay ang mga polisiyang ito kung hindi natin ma-implement sa ating mga barangay," dagdag pa ni Abalos.
Una nang inilinaw ng Philippine National Police (PNP) na iligal at mapanganib ang mga sumusunod na paputok: Five Star, Pla-Pla, Piccolo, Goodbye Philippines, Goodbye Bading, Giant Bawang, Watusi, Atomic Triangle, Judas’ Belt, Super Yolanda, Super Lolo, at Coke-in-Can.