MANILA, Philippines — Personal na pinangunahan ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. ang inspeksyon sa iba’t ibang areas convergence at vital installations upang tignan kung sapat ang nakalatag na seguridad ng pulisya ngayong Kapaskuhan.
Ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kahapon ang unang ininspeksiyon ni Acorda at isinunod ang ilang bus terminal upang alamin ang sitwasyon doon bilang bahagi ng Ligtas Kapaskuhan 2023.
Inaasahan ang dagsa ng mga commuters na nagsisiuwian sa kanilang mga probinsya gayundin ang mga taga probinsya naman na magbabakasyon sa Maynila.
Una nang tiniyak ng PNP ang kanilang pagtutok sa mga area of convergence gaya ng mga paliparan, pantalan, terminal, mga pasyalan at iba pang matataong lugar.
Matapos ang Pasko, sunod na iinspeksyunin ni Acorda ang mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan para naman paghandaan ang pagsalubong ng sambayanang Pilipino sa Bagong Taon.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, ang pag-iikot ni Acorda ay upang masiguro na walang nakaligtaan lalo na sa security coverage na isinagawa ng kapulisan.
Bagama’t wala pang namomonitor na untoward incidents hindi pa rin dapat na magpakampante ang mga pulis.
Patuloy na nagbabantay at bina-validate ang impormasyon upang hindi nakokompromiso ang security measures ng pamahalaan.