Mahigit 86,300 nasalanta ng bagyong 'Kabayan' habang 1 nawawala — NDRRMC

A resident evacuates a pig amid flooding from heavy rains brough by Tropical Storm Jelawat in Prosperidad, Agusan del Sur provice on December 18, 2023. A man went missing and thousands of people in the Philippines were sheltering in evacuation centres on December 18 as Tropical Storm Jelawat hit the large southern island of Mindanao, causing scattered flooding and power cuts.
AFP/Erwin MASCARINAS

MANILA, Philippines — Libu-libo na ang napeperwisyo ng pinagsamang epekto ng Shear Line at nagdaang bagyong "Kabayan" sa Mindanao, ayon sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Sa datos ng NDRRMC ngayong Martes, lumalabas na 86,321 katao na ang nasasalanta ng naturang sama ng panahon kabilang ang sumusunod:

  • sugatan: 1
  • nawawala: 1
  • lumikas: 82,703
  • nasa loob ng evacuation centers: 67,105
  • nasa labas ng evacuation centers: 15,598

Ilang insidente na ng pagbaha ang naitala sa Region 11 at CARAGA dulot ng sama ng panahon. Sa kabutihang palad, wala pang naitatalang patay ang NDRRMC sa ngayon.

Una nang naibalitang humina pabalik ng pagiging low pressure area (LPA) ang dating bagyo. Gayunpaman, posible diumanong maging bagyo itong muli, ayon sa PAGASA nitong Lunes.

"A total of 53 damaged houses are reported in Region 10, Region 11, CARAGA," dagdag pa ng konseho ngayong araw.

"The estimated cost of damage to infrastructure amounting to P200,000 was reported in CARAGA."

Sinasabing nakapagbahagi naman na ng P92,676 halagang ayuda sa mga nasalanta sa rehiyon ng CARAGA sa porma ng family food packs sa ngayon.

Una nang inulat ng state weather bureau na maaaring magkaroon pa ng isang bagyo bago magtapos ang 2023.

Show comments