MANILA, Philippines — Pinahintulutan ng korte na makapaglagak ng piyansa ang anim na suspek sa kaso ng mga “missing sabungeros.”
Ayon kay DOJ Senior State Deputy Prosecutor Richard Fadullon, pinayagan ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 40 na makapaglagak ng tig-P3 milyong piyansa ang mga suspek na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto Matillano, Jr.
Sila ay nahaharap sa anim na bilang ng kasong kidnapping at serious illegal detention charges hinggil sa umano’y pagdukot sa anim na sabungero sa Manila Arena noong Enero 2022.
Sinabi ni Fadullon na tinukoy ng hukuman na ang pagpapahintulot sa mga akusado na makapagpiyansa ay bunsod ng kabiguan ng prosekusyon na mapatunayan ang tatlong elemento ng kidnapping, kabilang ang pagdetine sa mga nawawalang indibidwal.