MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na paghina ng mga aktibidad ng Mt. Mayon, mula sa alert level number 3 (tendency towards a hazardous eruption) ay ibinaba na kahapon ng umaga sa alert level 2 (moderate level of unrest) ng Philippine Volcanology and Seismology ang estado ng bulkan sa Albay.
Sa pag-aaral ng Phivolcs, base sa mga nakakalap na datos ng kanilang instrumento ay nananatiling namamaga ang katawan ng Mt.Mayon. Gayunman, lahat ng ground deformation at ang microgravity pressurization sa katawan ng bulkan ay humina na.
Mula sa pinakamataas na naitalang ibinugang asupre (sulfur dioxide) noong Agosto 16 na umabot sa 4,756 tonelada bawat araw ay patuloy na bumaba ito na minsan ay tumataas pero hanggang noong Huwebes ay bumagsak na lamang ito sa 859 tonelada bawat araw. Malapit na ito sa baseline sulfur dioxide emission na 500 tons per day.
Ayon kay Phivolcs-Legazpi City resident volcanologist Dr. Paul Alanis, sa kabila ng pagbaba ng alerto ng bulkan ay patuloy pa rin sila sa babala sa lahat na huwag pumasok sa mga idineklarang permanent danger area lalo na sa loob ng 6-km radius mula sa crater dahil aktibo pa ang bulkan at malaki pa rin ang posibilidad nang biglaang pagputok nito at pagkakaroon ng ash fall.
Pinapaalalahanan din ang lahat na residente sa paligid ng bulkan na maging alerto sakaling bumuhos ang malalakas na pag-ulan o bagyo dahil posibleng dumausdos pababa ang lahat ng mga materyales na ibinuga at iniluwa ng Mayon.
Sa pagtaya ng Phivolcs ay umabot lahat sa 49 milyong cubic meters ang pyroclastic materials na ibinuga ng bulkan simula nang mag-alboroto ito. Malaki rin ang panganib nang pagragasa ng lahar.