Chinese vessels sa Julian Felipe Reef, 28 na lang

The Philippine Coast Guard says that Chinese maritime militia vessels are swarming the area of Julian Felipe Reef in the West Philippine Sea.
Philippine Coast Guard

MANILA, Philippines — Bumaba na sa 28 mula sa 135 ang mga barko ng China na nakaistambay sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea, ayon sa opisyal ng Philippine Navy.

Sinabi ni Philippine Navy Vice Admiral Alberto Carlos ng Western Command, 28 na lamang ang natukoy nilang Chinese Militia Vessels sa ginawang air patrol.

Ngunit patuloy naman ang kanilang monitoring para matukoy ang lokasyon ng iba pang barko kung nasa West Philippine Sea pa ang mga ito at lumipat lamang ng posisyon, saad ni Carlos sa briefing sa House Special Committee on the West Philippine Sea.

Ipinaliwanag ni Carlos na SOP o standard operating procedure ng Navy sa mga sasakyang-pandagat ng China na mag-isyu ng radio challenge at pag-monitor lamang ng kanilang presensya.

Iginiit niya na palaging nakasubaybay ang ­Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) sa galaw ng Chinese vessels ngunit hindi nila maaaring komprontahin dahil sa sumusunod sila sa panuntunan ukol dito.

Ito ay makaraang magpahayag ng pagkadismaya si House Deputy Minority Leader France Castro sa patuloy na pananatili ng mga barko ng China at patuloy na hindi pagpansin nito sa mga “note verbal” ng Pilipinas at mga diplomatic protest. Nagpahayag rin siya ng pagdududa sa pagiging epektibo ng ipinatutupad na procedure ng Philippine Navy.

Iginiit naman ni Carlos na planado ang kanilang mga tugon sa China at nais lamang nilang mapanatili ang katiwasayan sa “grounds”.

Show comments