MANILA, Philippines — Iniulat ng Manila City Government na libulibong indigent students at parents sa lungsod na napagkalooban na nila ng kaukulang tulong para sa pag-aaral at kabuhayan ng mga ito.
Nabatid na nakapagpamahagi na ang local na pamahalaan ng Educational Cash Assistance sa may 1,880 indigent students sa lungsod. Nabigyan na rin naman ng Capital Assistance ang mahigit 2,000 parents ng indigent children.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, sa tulong ng Division of City Schools Manila, ang lungsod ay nakapagbigay na rin ng mga libreng uniporme, mga bags at school supplies sa kabuuang 165,775 na mga estudyante sa lungsod. Maging ang Manila City Library (MCL) aniya ay patuloy sa pagkakaloob ng mga libreng paggamit ng computers at wifi sa public libraries ng lungsod.
Bukod dito, ang MCL ay nakapagsagawa na rin aniya ng Digital Literacy Program, Library Orientation, Tutorial Services, Art Sessions, Educational Film Showing, Puppet Show, Recreational Games, Story telling at maging ng Mobile Library, para sa kapakinabangan ng mga kabataan.