Petisyon kontra P125 milyong confidential fund ng OVP, inihain

MANILA, Philippines — Naghain ng petisyon ang isang grupo na binubuo ng mga dating opisyal ng gobyerno at mga abogado sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa legalidad ng paglilipat ng P125 milyong pondo sa Office of the Vice President (OVP) upang maging confidential fund.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang abogadong si Barry Guttierez, tagapagsalita ni dating VP Leni Robredo; dating Comelec chairperson Christian Monsod; dating Finance undersecretary Maria Cielo Magno; at dating Commission on Filipinos Overseas chairperson Imelda Nicolas; abogadong si Katrina Monsod at iba pa.

Ayon sa grupo, naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P221.42 milyon para sa OVP para sa “financial assistance/subsidy and confidential fund” makaraang aprubahan ng Office of the President noong Nobyembre 28, 2022.

Sa naturang halaga, P96.42 milyon ang para sa “financial assistance/subsidy”, habang ang P125 milyon ay napunta umano sa “non-existent” na confidential fund.

Nakasaad sa petisyon ang kahilingan na isauli ng OVP ang naturang pondo sa national treasury.

Noong Hulyo, inilabas ng Commission on Audit ang 2022 report na nagkukumpirma sa paggamit ng OVP ng P125 milyon na inilipat sa naturang opisina noong Disyembre 2022.

Show comments