MANILA, Philippines — Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” Herbosa na tiyaking nabibigyan ng serbisyong pangkalusugan ang mga nasa grassroots at mahihirap na pasyenteng higit na kailangan ang suporta ng gobyerno.
Binanggit ni Go ang operasyon ng Malasakit Centers alinsunod sa batas, patuloy na pagtatayo ng marami pang Super Health Centers sa mga estratehikong lokasyon sa buong bansa, at ang maayos na pagpapatupad ng isinabatas kamakailan lang na Regional Specialty Centers Act.
“Sa inyong palagay, nakatutulong ba ang Malasakit Centers sa mga mahihirap nating kababayan? At hindi ba napababayaan ang mga pasyente?” tanong ni Go sa pagdinig ng Commission on Appointments sa ad interim appointment ni Health Secretary Herbosa na pinangunahan mismo niya.
Bilang tugon, binigyang-diin ni Herbosa na malaking bilang ng mga pasyente ang pinaglilingkuran sa Malasakit Centers.
“Ang pinakamarami dito sa NCR, almost 607,000 at more than 200,000 sa iba’t ibang region. Almost every region is over 100,000-200,000 patients served,” ani Herbosa.
Binanggit niya ang department memorandum na nilagdaan kamakailan ni Herbosa na nag-uutos sa mga medical center chief na siguruhing ang lahat ng pasyente ay dapat mabigyan ng karampatang serbisyo sa Malasakit Centers.
Sinabi ni Go na sa tuwing bumibisita siya sa mga Malasakit Centers ay pinakikiusapan niya ang mga social worker huwag pabayaan ang mga mahihirap na pasyente.