MANILA, Philippines — Pinuna ng isang grupo ang maliit na rollback na P0.20 na bawas kada litro ng langis, ito habang pinapanawagan ang pagtanggal sa Oil Deregulation Law (ODL).
Para sa PISTON, insulto raw sa mga mamamayan at sa mga namamasadang apektado ng pagtaas ng presyo sa langis ang napaka-liit na rollback na ito.
Related Stories
Nitong Martes naglabas ang ilang kumpanya ng mga abiso na mababawasan ng P0.20 kada litro ang presyo ng gasoline at diesel, habang P0.50 ang bawas sa kada litro ng kerosene.
"Wala itong epekto para matugunan ang lumiliit na kita ng mga tsuper at operator sa bansa," sabi ni PISTON National President Mody Floranda.
Dagdag pa ng PISTON na hinayaan ng ODL na mag-overcharge ang ilang oil companies na kumita ng bilyon habang patuloy na mahihirapan ang ordinaryong Filipino sa pagtaas ng presyo.
"Patuloy tayong nanawagan sa pamahalaan na ibasura ang ODL at magpatupad ng sistema ng regulasyon sa presyo ng langis para maprotektahan ang mga Pilipino mula sa kasakiman ng mga oil companies," sabi ni Floranda.
Idiniin din ng grupo na patuloy na nakabinbin sa Kamara ang House Bill 3006 o ang Downstream Oil Industry Regulation Bill ng Makabayan bloc noong 2022, na naglalayong alisin ang ODL at bumuo ng isang konsehong mamamahala sa presyo ng langis.
“Samantalang ang Maharlika Fund, ang mga Confidential Fund, at iba pang polisiyang ginagawang balon ng kurapsyon ng gobyerno ay niraratsada at sine-certified as urgent ni Marcos Jr.
Pero pagdating sa serbisyo at interes ng mamamayan, tinatabunan na lang,” sabi ni Floranda.
Ito ang unang beses na nagkaroon ng rollback sa presyo ng langis matapos ang 11 linggong patuloy itong nagtaas.
Binanggit din ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau director Rino Abad na maaaring manatiling mataas ang presyo ng langis sa taon dahil sa kakulangan sa supply nito sa bansa. — intern Matthew Gabriel