MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Senate Committee on Ways and Means ang pagpapalayas sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.
Ito ay matapos makakuha ng sapat na suporta mula sa mga senador ang committee report ng isinagawang imbestigasyon ng komite tungkol sa pakinabang at perwisyong hatid ng mga POGOs sa Pilipinas.
Base sa committee report no. 136, umapela ang komite sa executive department na agad tugunan ang rekomendasyon ng Senado sa pamamagitan ng agarang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng mga POGO.
Maliban dito, inaatasan din ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hanapan ng alternatibong trabaho ang mga Pilipinong maaapektuhan at mawawalan ng trabaho dahil sa POGO.
Hinihikayat naman nito ang Bureau of Immigration (BI) na kanselahin at bawiin ang working visa na unang inisyu sa mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO industry at ang agad na pagpapatupad ng deportation sa mga ito salig sa immigration rules at regulations.
Sinabi naman ni Senate Ways and Means Committee Chairman Sen. Sherwin Gatchalian, ang rekomendasyon ng komite ay isang mahalagang hakbang para mapigilan ang paglaganap ng krimeng nagmumula sa ilang kumpanya ng POGO.
Matatandaang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado patungkol sa mga krimeng kaakibat ng POGO at inabot ng ilang buwan bago naglabas ng kanilang rekomendasyon ang komite at nagkasundong imungkahi ang tuluyang pagpapalayas sa mga POGO sa bansa.