‘Singilin China nang bilyun-bilyon sa Rozul, Escoda coral damages’ — senador

Photo of damaged corals (left) and a diver (right) in Rozul Reef, located within the West Philippine Sea
Released/WESCOM

MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros ng pagsingil ng "environmental damages" sa Beijing dahil diumano sa panibagong serye ng pinsalang idinulot nito sa West Philippine Sea.

Ayon sa isang press release, Miyerkules, binanggit ng senadorang dapat panagutiin ang China matapos kumpirmahin ng Philippine Coast Guard na mga barko ng naturang bansa ang sanhi ng pagkasira ng coral reefs sa Rozul Reef at Escoda Shoal.

Ang Rozul Reef at Escoda Shoal ay parehong matatagpuan sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at matatagpuan sa West Philippine Sea.

"Aabot ng bilyon-bilyon ang makukuha natin kung maoobligang magbayad ang Tsina," sabi ni Hontiveros.

“Ninanakawan na nga nila ng hanapbuhay ang ating mga mangingisda, winawasak pa nila ang ating likas-yaman.”

Inihain ng senador ang Proposed Senate Resolution No. 804 para kundenahin ang coral harvesting at hihimukin ang senado na gumawa ng imbestigasyon ukol dito. 

Sabado lang nang sabihin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command na "wala nang natira" sa coral reefs sa mga naturang lugar dahil sa malawakang pagkuha raw ng mga corals. Sinasabing namataan ang Chinese maritime militia sa Rozul.

“Kung mabayaran ng Tsina ang lahat ng utang niya sa Pilipinas, siguradong makakatulong ito sa kinakaharap nating krisis sa ekonomiya," dagdag pa ng opposition solon.

“Japan paid our country for her destruction of Manila during World War II, and in more recent history, the United States of America also paid the Philippines P87 million, after the USS Guardian damaged Tubbataha Reef in the Sulu Sea. May karapatan tayong maningil."

Ayon din sa resolusyon, hindi dapat hayaan ng gobyerno ang patuloy na pinsala ng China sa kalikasan, ekonomiya, at seguridad ng bansa at kailangang panagutan ang China dito.

Lunes lang nang kundenahin ng Department of Foreign Affairs ang naturang coral destruction, ito habang hinihikayat ang lahat na maging responsable lalo na't milyun-milyon ang binubuhay ng South China Sea.

Kamakailan lang nang ilarawan ni Philippine Coast Guard spokesperson for West Philippine Sea, CG Commodore Jay Tarriela ang Rozul Reef at Escoda Shoal bilang "halos wala nang buhay."

Patuloy na binabalewala ng Tsina ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration na siyang bumabalewala sa nine-dash line claim sa halos kabuuan ng South China Sea. Kinatigan ng naturang korte ang Pilipinas pagdating sa EEZ nito. — intern Matthew Gabriel

Show comments