2 environmental activists sinopla militar: 'Dinukot nila kami, hindi kami sumuko'

Makikitang nagsasalita si Jonila Castro kung paano sila in-"abduct" ng militar noong ika-2 ng Setyembre sa Orion, Bulacan, taliwas sa sabi ni 70th Infantry Battalion Commanding Officer Lt. Col. Ronnel dela Cruz na "sumuko at ni-rescue" nila ang mga nabanggit mula sa Kaliwa.
Video grab mula sa Facebook page ng Plaridel Public Information Office

MANILA, Philippines — Ibinulgar ng kabataang environmental activists na sina Jhed Tamano at Jonila Castro na dinukot sila ng militar sa Orion, Bataan — taliwas sa pahayag ng gobyernong "sumuko" at "nagpasaklolo" ang dalawa mula sa kilusan.

Ito ang ibinahagi nina Tamano at Jonila sa isang press conference, Martes. Katabi nila mismo ang militar habang pinabubulaanan ang pahayag ng National Security Council (NSC) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

"'Yung tanong kung dinukot kami o boluntaryo kaming sumurender, ang totoo po ay dinukot kami ng mga militar sakay ng van," ani Castro sa Facebook livestream ng Plaridel, Bulacan Public Information Office — bagay biglaang binura.

"Napilitan din kami na sumurender dahil pinagbantaan 'yung buhay namin. 'Yun po ang totoo. Hindi rin namin gusto na mapunta kami sa kustodiya ng militar."

"Hindi rin totoo 'yung laman ng affidavit dahil ginawa 'yon, pinirmahan 'yon sa loob ng kampo ng militar. Wala na kaming magagawa sa mga pagkakataon na 'yon."

 

 

Ika-2 ng Setyembre ng gabi nang maiulat ang pagkawala ng dalawa, na siyang kilala sa pagkakampanya laban sa kontrobersyal na Manila Bay Reclamation. Sinasabing naghahanda ang dalawa para sa relief operations at konsultasyon sa komunidad ng Bataan bago ang insidente.

Biyernes nang sabihin ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa pulong-balitaan ng NTF-ELCAC na "sumuko" sa mga pulis Bataan ang dalawa "sa takot na balikan ng mga dati nilang mga kasamahan sa kilusan."

Sa kabila nito, ipinunto ng AKAP Ka Manila Bay, Kalikasan People’s Network for the Environment, Promotion for Church Peoples’ Response at KARAPATAN ang patung-patong na "inconsistences" sa kwento ng gobyerno.

"Ang gusto lang naming maipakita ngayong araw 'yung lantarang pasismo ng estado sa mga aktibistang tanging hangarin ay ipaglaban lang 'yung Manila Bay," dagdag pa ni Castro.

"May nangyayaring reclamation projects doon. 'Yung problema run 'yung mga mangingisdang mawawalan ng hanapbuhay. Pero nagagamit 'yung militar para mapigil 'yung pagkilos."

Militar pinanindigan 'surrender' narrative

Sa kabila ng pagsasalita nina Tamano at Castro, nagmatigas sa parehong press conference si 70th Infantry Battalion Commanding Officer Lt. Col. Ronnel dela Cruz na totoong sumuko at nagpasaklolo raw ang dalawa mula diumano sa mga maka-Kaliwang grupo.

"Sila po ay kusang sumurender po sa amin noong [September] 12," paliwanag ni Dela Cruz.

"Madaling araw na po noong sila ay nakarating sa 70 IB sa ating sundalo po. Pagkatapos po noon, mga alas-said po na-meet ko na sila."

Giit pa ni Dela Cruz na ipina-medical din daw ang dalawa iupang makita kung maayos ang kanilang kalusugan.

Binigyan din daw ang dalawa ng mga abogado habang pinanunumpaan ang kanilang mga salaysay, bagay na "klaro naman daw at in-edit pa."

"Naipakita naman sa NTF-ELCAC na nanunumpa sila ng kanilang sarili, naka-video naman po 'yon na nanumpa sa harap po ng ating [Public Attorney's Office] attorney po," saad pa ni Dela Cruz.

"Ibig sabihin po, wala pong intervention po 'yon. 'Yun po ang sa side po ng 70 IB. Ang ginawa namin sumurender sila, inayos po namin 'yung pag-surrender, pag-negotiate kung paano namin makukuha, at idinaan naman po namin sa tamang proseso."

Matatandaang iginigiit noon ni Malaya na "hindi environmentalists" sina Tamano at Castro, at organizer daw talaga ng Kabataan party-list at Karapatan. Parehong ligal na grupo ang mga ito ngunit nire-redtag ng gobyerno bilang 

Agad namang pinasinungalingan ni Tamano ang mga sinabi ni Dela Cruz at sinabing naging biktima sila ng enforced disappearance noong ika-2 ng Setyembre.

"Noong gabi po ng September 2, naglalakad lang po kami sa kalsada nang meron pong dumukot sa amin," ani Tamano.

"May tumigil pong SUV sa harap namin tapos dinukot po kami tapos pinilit po kaming pasamahin sa kanila. 'Yon po 'yung totoo. Akala po namin sindikato, pero kilala po nila kami."

Sa panayam ng Philstar.com, sinabi naman ni AFP spokesprson Col. Medel Aguilar na ipagtatanong niya sa mga "unit sa ibaba" kung ano talaga ang nangyari.

'I-release sila agad sa kanilang pamilya!'

Pinagpugayan naman ng human rights group na Karapatan ang katapangan nina Castro at Tamano na magsalita sa kabila ng kondidisyon habang nasa kostodiya ng AFP.

"Jonila Castro and Jhed Tamano have spoken the truth, despite the coerced situation that they are in – they have declared they were abducted by the military, that they did not surrender and they were held inside a military camp, under pressure and under duress, making all the claims of their 'surrender' all lies and hogwash," ani Kristina Palabay, secretary general ng grupo.

"We demand the safe release of Jhed Tamano and Jonila Castro now, and not a second longer. We hold accountable the government authorities responsible for the abduction and now the possible illegal detention, coercion and psychological torture of Jonila and Jhed."

Iginigiit din nina Palabay na dapat agad mapakawalan ang dalawa nang makapiling ang kanilang pamilya, abogado, at mga kaibigang matagal nang naghahanap sa kanila.

Nakikiusap din ang Karapatan kay Plaridel Mayor Jocell Aimee Vistan ba 'wag pabalikin ng kampo ang dalawang aktibista at sa halip i-facilitate ang pagbabalik sa mga nabanggit sa kani-kanilang pamilya at para makapili ng sariling abogado.

"The exposé of Jonila and Jhed, in their own words, of their abduction by the military speaks volumes for the many victims of abduction and enforced disappearance, the wave of attacks against activists and rights defenders under the current dispensation. Release Jhed and Jonila Now!" kanyang panapos.

Show comments