MANILA, Philippines — Pananagutin ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang nasa likod ng natuklasang pekeng ‘memorandum’ na nag-uutos sa pagpapabalik sa New Bilibid Prison (NBP) ng 12 ‘persons deprived of liberty (PDL)’ na nakakulong ngayon sa Pasigui prison sa Occidental Mindoro.
Sobrang lakas ng loob umano ng mga taong nasa likod ng pagpapalabas ng naturang memo na pineke pa maging ang kaniyang lagda.
“Nagkaroon ng isang insidente na pamemeke ng isang papeles dito sa Bureau of Corrections kung saan maraming nagpalusot ng papel na napirmahan daw ng inyong lingkod na ililipat sa kanilang kinalalagyan ngayon pabalik sa Muntinlupa ang ilan sa mga PDLs na naroon ngayon sa Mindoro,” pahayag ni Remulla.
Natuklasan ang pamemeke nang magtungo mismo si Bureau of Corrections chief Gregorio Catapang Jr. sa kaniyang tanggapan para berepikahin ang kautusan. Unang naghinala si Catapang sa memo dahil sa barcode nito.
Kasalukuyang nakakulong sa Pasagui Subprison Sablayan Detention Facility ang mga PDL, na kabilang sa mga testigo sa kaso ni dating senador Leila de Lima.
Hinala ni Remulla, nais bumalik ng mga PDL sa NBP para muling maghari-harian.
Aalamin ng DOJ kung sino sa kanilang mga tauhan, at ng BuCor ang may pananagutan sa pekeng memo na naipamahagi sa iba’t ibang opisina sa ahensya.