PAGASA: 'Hanna' posible maging typhoon ngayong araw, lalabas ng PAR sa Linggo

Ayon sa PAGASA, bandang 4 a.m. nang mamataan ang sentro ng bagyo 870 kilometro silangan ng dulong hilagang Luzon, ayon sa pinakahuling taya ng PAGASA ngayong Biyernes.
Released/PAGASA

MANILA, Philippines — Napanatili ng Severe Tropical Storm Hanna ang lakas nito habang binabaybay ang ibabaw ng Philippine Sea, ito habang pinalalakas ang hanging habagat na posibleng magpaulan sa ilang bahagi ng Luzon sa sunod na tatlong araw.

Ayon sa PAGASA, bandang 4 a.m. nang mamataan ang sentro ng bagyo 870 kilometro silangan ng dulong hilagang Luzon, ayon sa pinakahuling taya ng PAGASA ngayong Biyernes.

  • Lakas ng hangin: 110 kilometro kada oras malapit sa gitna
  • Bugso ng hangin: hanggang 135 kilometro kada oras
  • Direksyon: pakanluran hilagangkanluran
  • Pagkilos: 20 kilometro kada oras

"Hanna is forecast to reach typhoon category today. It may also reach its peak intensity tomorrow prior to its close approach or landfall over northern Taiwan," wika ng PAGASA ngayong hapon.

"Hanna is forecast to exit the Philippine Area of Responsibility on Sunday morning."

Ang lahat ng ito ay nangyayari kahit na kalalabas pa lang ng noo'y Super Typhoon Goring sa PAR nitong mga nakaraang araw.

Hindi pa rin nakikitang direktang magdadala ng malalakas na pag-ulan ang bagyo sa kabuuang forecast period.

Sa kabila nito, pinalalakas ng "Hanna," kasama ng Super Typhoon Saola (dating bagyong "Goring") at Severe Tropical Storm Kirogi sa labas ng Philippine area of responsibility, ang hanging habagat. 

Magdadala ang habagat ng minsanan hanggang monsoon rains sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.

Tinatayang mas maraming ulan ang babagsak sa mga matataas at mabubundok na lugar. Sa ilalim nito, malaki ang tiyansang makapagtala ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga naturang lugar.

Ang pinalakas na habagat ay magdadala ng mahanging panahon sa mga sumusunod na lugar ngayong araw lalo na 'yung mga nasa baybayin at matataas na erya:

  • Batanes
  • Ilocos Region
  • Cordillera Administrative Region
  • Zambales
  • Bataan
  • Aurora
  • Bulacan
  • Metro Manila
  • CALABARZON
  • MIMAROPA
  • Bicol Region
  • Western Visayas
  • hilagang bahagi ng Eastern Visayas

"Hanna is forecast to move generally west northwestward throughout the forecast period," wika pa ng state meteorologists.

"On the track forecast, the tropical cyclone is forecast to pass close or make landfall in the vicinity of Yaeyama Islands in the Ryukyu archipelago between tomorrow morning and afternoon, then make landfall or pass close to the northern portion of Taiwan tomorrow evening or on Sunday morning."

Sa labas ng PAR, nakikitang pipigit ang bagyo pahilagangkanluran habang tumatawid ito sa ibabaw ng Taiwan Strait bago sumalpok uli sa mainland China sa darating na Linggo ng hapon o gabi.

Show comments