Pura Luka Vega 'persona non grata' na rin sa Bohol

Artist Pura Luka Vega's drag performance of Catholic Mass song "Ama Namin".

MANILA, Philippines — Idineklara na ring persona non grata sa probinsya ng Bohol ang drag queen na si Pura Luka Vega dahil sa kanyang kontrobersyal na "Ama Namin Remix" performance — dahilan para maging "unwelcome" siya sa lagpas isang dosenang lokalidad.

Matatandaang tumanggap ang performer ng matinding batikos sa mga Katoliko matapos sumayaw sa punk rock rendition ng tanyag na awiting pangsimbahan habang naka-costume bilang Hesukristo. Pinapagaspas pa niya ang korona o halo, na nakita bilang pambabastos ng ilan.

"Upon initiative of the Hon. Vice Governor Dionisio Victor Balite, the Sangguniang Panlalawigan of Bohol declares 'Pura Luka Vega' as Persona Non Grata in the Province of Bohol during the August Body's Regular Session today," ayon sa paskil ni Balite nitong Martes.

"Mr. Amadeus Fernando Pagente gained widespread attention due to a video that went viral, depicting his dance routine at a bar, wherein this video, he portrayed Jesus of Nazareth while dancing to a remixed version of the prayer 'Ama Namin,' thereby causing offense to a significant number of Catholics not only present but also across the online community."

 

 

Paliwanag ni Balite, nakakabastos nang husto sa religiious sentiments ng mga indibidwal at komunidad ang ginawa ni Pura Luka Vega at "hindi nakatutulong" sa pagtataguyod ng pagkakaisa at respeto.

Pebrero 2023 lang nang ibalita ng Philippines Statistics Authority na nasa 1.25 milyon o 90.3% ng mga Boholano ang Katoliko.

"[T]he Province of Bohol values its diverse population and aims to uphold respect for all religious beliefs, traditions, and practices," dagdag pa ng Sangguniang Panlalawigan.

"[T]his declaration is not intended to limit or infringe upon the individual's rights, but rather to express the Assembly's strong disapproval of actions that promote disrespect and disharmony within the community."

Una nang sinabi ni Pura Luka Vega na humihingi ng tawad sa mga nadismaya sa performance, subalit ginawa niya raw ito upang maghilom sa "exclusion" na nadanas bilang Katolikong miyembro ng LGBTQ.

Hindi raw nito layong mambastos ngunit ginawa para ipakitang "kayang mahalin ng Diyos ang lahat."

Pwede pa ring pumunta sa mga lugar na ito

Ang salitang persona non grata ay ginagamit para isalarawan ang mga "unacceptable" o "unwelcome" na personalidad sa isang lugar.

Sa kabila nito, walang kapangyarihan ang mga resolusyong pumigil kaninuman na pumunta sa lugar kung saan persona non grata ang isang tao dahil sa right to travel na ipinagkakaloob ng Article III, Section 6 ng 1987 Constitution.

Bago ito, idineklarang persona non grata sa Maynila, General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, Toboso sa Negros Occidental, Laguna, Nueva Ecija, Cagayan De Oro, Cebu City, Occidental Mindoro, Lucena, atbp. si Pagente.

Dahil sa kasarian?

Una nang idiniin ng ilang netizens na tila pinaparusahan lang si Pura Luka Vega dahil sa kanyang pagiging bahagi ng LGBTQ community.

Matatandaang tinawag noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Diyos na "tanga" at minura pa si Pope Francis — ang pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katolika. 

Sa kanila nito, walang nagsasampa ng kahalintulad na kaso at persona non grata sa dating presidente kahit saan.

Sikat na sikat din ngayon ang isang "cosplayer" at online personality na si Marlon Tapalord para sa kanyang kakaibang portrayal kay Hesus ngunit hindi nasasampahan ng kahit na anong reklamo. Hindi rin siya nape-persona non grata.

Ngayong buwan lang nang hainan ng reklamong paglabag diumano ng drag queen sa Article 201 ng Revised Penal Code at Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 matapos mai-upload ang video ng performance.

Una nang sinabi ng Hijos Del Nazareno na bukas silang bawiin ang reklamo oras na humingi ng tawad si Pagente sa kanyang nagawa.

Show comments