MANILA, Philippines — Duda ang ilang opisyal ng Department of Agriculture na matutupad ang P20 kada kilong bigas sa susunod na dalawang taon, bagay na pangako ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. habang kumakandidato pa noong 2022 elections.
Ito ang ibinahagi ni Agriculture Undersecretary for Policy, Planning, and Regulations Mercidita Sombilla sa pagdinig ng Kamara para sa budget ng DA sa 2024.
Related Stories
"Within the next two years, posible ba 'yung P20 na kilo ng bigas?" tanong ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kanina.
"Next two years po? Baka mahirap po," tugon ni Sombilla.
Sinabi ito ni Sombilla kahit na si Bongbong ang tumatayong "acting secretary" ng DA simula pa 2022 upang tugunan ang krisis sa pagkain. Wala pa ring full-time na kalihim ang kagawan simula nang umupo si Marcos.
Matatandaang ipinangako ni Bongbong ang P20/kilong bigas noong tumatakbo pa lang siya sa pagkapresidente. Hindi na ito nabanggit ng pangulo sa ikalawa niyang State of the Nation Address noong Hulyo.
"So hindi? Hindi kaya? Hindi kakayanin. At least po para malinaw lang, alam ng ating mga kababayan," patuloy ni Manuel.
Lowest quality rice P41/kilo
Sa huling price monitoring ng DA ngayong araw, lumalabas na nasa P41 hanggang P55 ang kada kilo ng local regular milled rice — ang pinamababang kaledad ng bigas na ibinebenta sa merkado.
Kapansin-pansing mas mahal ang lokal na special rice sa P54 - P62 kada kilo kumpara sa imported nitong counterpart sa P52 - P65.
Naitala ang biglang pagtaas ng presyo ng bigas nitong mga nakaraang linggo, bagay na epekto raw ng "paghila" ng presyo ng imported na bigas sa lokal na produksyon sabi ng mga opisyales ng gobyerno sa pagdinig.
"If it [prices of rice] will stabilize from P45 to P46, that will be good for our farmers. And hopefully, we can cope up with that price,” giit ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian.
Nagbebenta sa ngayon ng mas murang bigas sa mga Kadiwa stores ng gobyerno. Gayunpaman, 'di hamak na mas kaonti ito kumpara sa bilang ng mga nagbebenta sa regular na presyo sa merkado.
Matatandaang iminungkahi ni Department o Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual na dapat magkaroon ng "adjustment" sa diet ng mga Pilipino patungong mais at kamote upang makaagapay sa pagtaas ng presyo ng bigas. Binatikos ito nang maraming Pinoy online.
Walang rice shortage?
Sa kabila ng lahat ng ito, iginigiit ni Sebastian na walang shortage sa suplay ng bigas kaugnay ng pagtaas ng mga presyo.
Plano ni Presidente Marcos na maabot ang 100% rice self-sufficiency, o 'yung estado kung saan sapat na ang suplay ng bigas na nililikha sa Pilipinas para hindi na umasa sa pag-angkat, pagsapit ng taong 2027.
Matagal nang itinutulak ng Makabayan bloc ang pagbabasura ng Rice Liberalization Law dahil sa pagtatanggal ng limitasyon sa iniaangkat na bigas mula sa ibang bansa, bagay na nakakaapekto raw sa pag-unlad ng lokal na industriya.
Sa halip, itinutulak ngayon ng mga progresibong grupo ang House Bill 405 o Rice Industry Development Act upang maging "sustainable" ang murang bigas, ito habang naglalaan ng bilyun-bilyong pondo para sa farm inputs support program, post-harvest facilities, irigasyon at research and development.