MANILA, Philippines — Bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang publiko na makiisa at isantabi ang mga hindi pagkakaintindihan para sa kaunlaran at kapakanan ng bansa.
Ayon sa Presidente, para makamit ang hinahangad na maunlad na Pilipinas kailangang lagpasan ang mga balakid sa politika at isulong ang kapakanan at pag-unlad ng mamamayan.
Bukod dito, nais din ni Marcos na mahalin natin ang bansa dahil ito umano ang magiging susi para sa maayos na pamayanan at gawing inspirasyon ang hindi natitinag na paniniwala ni Aquino sa mga inaakala niyang tama.
Umapela rin ang Pangulo sa sambayanan na maging bukas sa kolaborasyon lalo na sa mga magkakaibang pananaw at paniniwala at itatag ang isang lipunang puno ng inspirasyon.
Sa bisa ng Republic Act no. 9256 ay idineklara ang Agosto 21 kada taon na Ninoy Aquino day.
Matatandaan na si Aquino ay pinaslang sa Manila International Airport noong Agosto 21,1983 kaya pinangalan sa kanya ang naturang paliparan.
Si Aquino ay kilalang kritiko ng ama ni Marcos na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.