MANILA, Philippines — Ilulunsad ng Civil Service Commission (CSC) ang inamyendahang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Republic Act (R.A.) No. 9242, o ang Philippine Tropical Fabrics (PTF) Law, na nagtatakda ng paggamit ng Philippine tropical fabrics para sa opisyal na uniporme ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno sa darating na Agosto 30, 2023.
Inaasahan namang dadalo ang mga opisyal at kinatawan ng PTF Inter-Agency Technical Working Group (TWG) na binubuo ng Department of Science and Technology-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), ang Department of Agriculture-Philippine Fiber Industry Development Authority (DA-PhilFIDA), at ang Department of Trade and Industry (DTI). Si Senadora Loren Legarda, ang pangunahing may-akda ng batas ay maghahatid ng mensahe ng suporta.
“This amendment is a product of our consultative efforts and deliberations aimed at promoting and supporting the local textile industry and instilling patriotism among civil servants. The CSC is proud to spearhead this initiative,” pahayag ni CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles.
Ang PTF Law na nilagdaan noong Pebrero 10, 2004 ay nag-aatas sa lahat ng eligible government officials na tumatanggap ng clothing allowance para sa kanilang office uniforms na gamitin ang Philippine Tropical Fabrics para sa kanilang opisyal na kasuotan at para sa mga pangangailangang may kaugnayan sa tela sa mga upisina at gawain ng gobyerno.
Maaaring may mga eksepsiyon na pinahihintulutan para sa mga partikular na kinakailangan, tulad ng mga uniporme ng bumbero, kasuotang pang-sports, bulletproof vests, atbp., sa mga kaso kung saan ang mga katangian at pamantayan ng mga tropikal na tela ay hindi nakakatugon sa kinakailangang pamantayan.
Sa ilalim ng batas, ang mga tropikal na tela ay tinukoy bilang “those containing natural fibers produced, spun, woven or knitted and finished in the Philippines.”
Ang terminong “natural textile fibers” ay sumasaklaw sa iba’t ibang fibers o filament na nagmula sa mga halaman o gulay.
Alinsunod sa binagong IRR, ang mga hibla na ito ay kinabibilangan ngunit hindi limitado sa abaca, saging, pinya, sutla at kawayan. Magkasama, ang mga hibla na ito ay bumubuo ng mga natural na bahagi ng PTF.