MANILA, Philippines (Updated 1:00 p.m.) — Makukulong ang dalawang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) para sa "slight physical injuries" kaugnay ng pagkamatay ng hazing victim na ex-PMAer na si Darwin Dormitorio — pero 30 araw lang makakalaboso ang mga salarin.
Hinatulang nagkasala ng Baguio court sina Julius Carlo Tadena, Christian Zacarias kaugnay ng dinanas ni Dormitorio noong Setyembre 2019, ayon sa pamilya ng biktima. Isinapubliko ang desisyon ngayong Biyernes.
Related Stories
Hinatulang guilty sa kasong slight physical injury ang mga dating kadete na sina Christian Zacarias at Julius Carlo Tadena ng Philippine Military Academy (PMA) na sangkot sa hazing na ikinamatay ni Darwin Dormitorio, #News5 pic.twitter.com/SgnBU4Zck2
— News5 (@News5PH) August 4, 2023
Ayon sa joint decision ng Baguio Municipal Trial Court Branch 1 na nilagdaan ni Judge Roberto Mabalot nitong ika-31 ng Hulyo, "arresto menor" ang parehong parusa nina Tadena at Zacarias kaugnay ng Article 266 ng Revised Penal Code.
"[They are] ordered to pay moral damages of P100,000.00, and attorneys fees of P50,000.00," dagdag ng korte, bagay na parehong kailangang bayaran ng dalawa.
Tatlong doktor naman ang naabswelto para sa reckless imprudence resulting in homicide.
Una nang inireklamo ang naturang medical professionals dahil sa "kabiguan" nilang magbigay ng sapat na tulong medikal kay Dormitorio, na itinuturong nagdulot din daw sa pagkamatay ng biktima.
"Accused Captain Flor Apple A. Apostol, Major Ma. Ofelia R. Beloy and Lt. Col. Caesar Almer E. Candelaria not guilty in Criminal Case No. 750-20-CAR-MTCC for Reckless Imprudence Resulting in Homicide," dagdag ng desisyon.
"No civil liability is awarded against the accused-doctors."
Hiwalay pa ito sa kasong "murder" na inihain kaugnay ng hazing, ayon sa abogado ng pamilya Dormitorio na si Jose Adrian Bonifacio.
Graduate na sana sa top military school ng Pilipinas si Dormitorio nitong Mayo 2023 kung hindi siya namatay sa hazing, o 'yung marahas na initiation na kadalasa'y nangyayari sa mga bagong salta sa mga fraternity, sorrority, organisasyon o paaralan gaya ng PMA at Philippine National Police Academy.
Matatandaang nagbigay pugay ang PMA topnotcher na si Cadet First Class Warren Leonor kay Dormitorio sa kanyang valedictory speech tatlong buwan na ang nakalilipas. — may mga ulat mula sa News5