MANILA, Philippines — Natagpuan na at ligtas ang pitong tripulante, kabilang ang isa na inatake sa puso, na pawang lulan ng isang tugboat na unang naiulat na na-stranded sa karagatan ng Aparri, Cagayan sa kasagsagan ng bagyong Egay noong Hulyo 26.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nakita na ang MTug Iroquois kahapon malapit sa Camiguin Island sa bayan ng Calayan, kung saan ito tinangay ng alon. Lahat ng tripulante nito ay patuloy na nakasakay sa tugboat.
“Per the PCG Station Cagayan, naging maayos din ang lagay ng crew na na-heart attack habang nasa tugboat. Hindi na kinailangan ng medical evacuation,” sabi ng PCG.
Hinatiran ng PCG Station Cagayan ng 4,000 litro ng diesel ang MTug Iroquois habang ang Coast Guard Sub-Station Camiguin ay patuloy na sinusubaybayan ang kanilang sitwasyon.
Samantala, patuloy ang search and rescue operation sa apat na tauhan ng PCG na nagtangkang rumesponde sa sitwasyon ng mga tripulante ng tugboat ngunit sila ang nawala sa karagatan nang tumaob ang sinasakyang aluminum boat nang hampasin ng malalaking alon.