MANILA, Philippines — Tumaas ang ranggo ng Pilipinas sa pagkakaroon ng malakas na pasaporte sa pinakabagong Henley Passport Index.
Mula sa ika-78 puwesto ay nasa ika-74 ranggo na ang Pilipinas sa may pinakamakapangyarihang pasaporte sa mundo.
Sa pagbanggit sa datos mula sa International Air Transport Association (IATA), ipinakita ng Henley Passport Index sa 3rd quarter ng 2023 na ang Pilipinas, kasama ang Armenia at Cape Verde Islands, ay may visa-free access sa 66 na destinasyon.
Samantala, ang passport ng Singapore ang tinanghal na pinakamakapangyarihan na ngayon sa mundo, na pinapalitan ang Japan sa nangungunang puwesto sa unang pagkakataon sa loob ng limang taon.
Ang mga mamamayan ng Singapore ay maaaring bumisita sa 192 sa 227 destinasyon sa buong mundo na walang visa.
Bumaba ang ranking ng Japan sa ika-3 puwesto, kasama ang Austria, Finland, France, Luxembourg, South Korea, at Sweden na may access sa 189 na destinasyon nang walang paunang visa.
Ang Afghanistan ay nananatiling pinakamahina na pasaporte sa mundo na may access lamang sa 27 destinasyon na walang visa.