MANILA, Philippines — Mariing sinusuportahan ni Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, Chairman ng House Committee on Appropriations ang visionary plans na naitakda ni Pangulong Bongbong Marcos sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez hinggil sa pag-revolutionize ng healthcare system sa Pilipinas.
Ang legacy projects na ito na inisyatiba ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay matagal ding panahon na hindi nai-prayoridad kaya’t mabagal ang mga pagbabago hinggil dito sa nagdaang taon.
“I fully support President Bongbong Marcos’ commitment to continue and enhance these projects, as they hold tremendous potential to improve healthcare services for our people,” sabi ni Co.
Sa pamamagitan anya ng pagkilos ni Speaker Romualdez at ng Kamara ay paglalaanan ito ng kaukulang budget para sa pagpapatupad ng mga kailangang pagbabago para sa kasalukuyang “Legacy Projects.”
Dahil sa pagtutulungan ng Kongreso, ang House Committee on Appropriations ay maglalaan ng P500 milyon para sa bawat Legacy Specialty Hospitals tulad ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Childrens Medical Center at West Visayas State University Medical Center gayundin sa bagong “Legacy Project” na inisyatiba ni Pangulong Marcos, ang pagtatayo ng Philippine Cancer Center.
Ayon pa kay Co, sa pamamagitan ng hakbang na ito ay mabibigyan ng patas na oportunidad ang bawat mamamayang Pilipino sa medical care.