Pangulong Matcos Jr.: P57.5 bilyong utang ng 610K magsasaka, burado na  

President Ferdinand Marcos Jr. leads the signing of the New Agrarian Emancipation Act at Kalayaan Hall in Malacañang Palace on July 7, 2023.
PPA pool photos by Yummie Dingding

MANILA, Philippines — Tinupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang pangako sa mga magsasaka na palalayain sila sa utang matapos ang paglagda nitong Biyernes sa New Agrarian Emancipation Act, na makikinabang sa mahigit 600,000 Pilipinong magsasaka sa buong bansa.

Dahil sa New Agrarian Emancipation Act, o Republic Act (RA) No.11593, mabubura ang lahat ng hindi nabayarang amortisasyon ng principal na utang ng mga agrarian reform beneficiaries kabilang ang interes, at mga multa kung mayroon man.

May kabuuang P57.56 bilyon ang hindi nababayarang mga prinsipal na utang ng humigit sa 610,054 agrarian reform beneficiary (ARB) na nagbubungkal ng mahigit sa 1.7 milyong ektarya ng lupain.

“Sa kauna-unahan ko na State of the Nation Address ay nasabi ko…at ipinangako ko sa ating mga kababayan na itutuloy ang Agrarian Reform Program. I am here today to build on that promise because our beneficiaries deserve nothing less,” ani Marcos sa kanyang talumpati sa Palasyo ng Malacañang matapos ang paglagda sa RA 11953.

“Itutuloy natin ang repormang agraryo—hindi lamang sa pamimigay ng lupa sa mga magsasakang hanggang ngayon ay wala pa ring lupa, kundi upang tuluyan sila’y palayain mula sa pagkakautang na pumipigil sa kanilang ganap na pagmamay-ari ng lupang bigay sa kanila ng pamahalaan,” dagdag ni Marcos na nagsisilbi ring DA secretary.

Sa ilalim ng umiiral na agrarian laws, sinabi ng Pangulo na ang bawat  ARB ay kailangang magbayad ng halaga ng lupang ibi­nigay sa kanya sa loob ng 30 taon na may 6 porsiyentong interes.

“Panahon na para ma­kalaya sila sa pagkakautang na ito. Kaya naman noong 13 Setyembre 2022, nilagdaan ko ang Executive Order No. 4, na nagpapataw ng isang taong moratorium sa pagbabayad ng amortization sa utang na agraryo ng ating mga benepisyaryo,” sabi ni Marcos.

“Gayunpaman, alam ko na ang gobyerno ay maaari at dapat gumawa ng higit pa upang maibsan ang kalagayan ng ating mga benepisyaryo sa repormang agraryo,” dagdag ng Pangulo.

Pinasalamatan ni Marcos ang sangay ng Lehislatibo sa “pagsunod sa panawagan para sa katarungang panlipunan para sa ating mga magsasaka.”

“Sa ngalan ng ating mga magsasaka at ng samba­yanang Pilipino, taos-puso akong nagpapasalamat sa Kongreso at sa Senado sa agarang pagpanday ng batas na ito,” ani Marcos.

“Ikinararangal ko na pirmahan ang batas na ito upang tuluyan nang makalaya sa pagkakautang ang ating mga magsasaka mula sa araw na ito,” anang Pangulo.

Ang principal loan na nagkakahalaga ng P14.5 bilyon ng 263,622 ARBs, na ang mga pangalan at detalye ng pautang ay isinumite ng Landbank of the Philippines sa Kongreso, ay agarang mabubura.

Ang condonation ng natitirang P43.06 bilyon na pautang ng 346,432 ARBs ay magkakabisa sa pagsusumite ng mga detalye ng pagkakautang ng ARBs ng LBP at Department of Agrarian Reform (DAR) sa Kongreso.

Aakuin din ng gobyerno ang obligasyon para sa pagbabayad ng “just compensation” sa mga may-ari ng lupa sa ilalim ng Voluntary Land Transfer o Direct Payment schemes para sa benepisyo ng 10,201 ARB na may kabuuang bayad na P206.25 milyon.

Show comments