MANILA, Philippines — Pinuri ni House Ways and Means chairman, Rep. Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district) nitong Miyerkules si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa ginawa niyang pagbibigay prayoridad sa mga Albayanon sa oras ng kanilang lubhang pangangailangan, kaugnay sa kasalukuyang pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
“Tunay siyang nakaalerto at kumikilos kaya kaagad niyang naitalaga ang P33 milyong ayudang ‘food packs’ para sa mga taga-Albay sa sandaling nangailangan sila ng tulong. Kumilos siya agad nang itaas ng Philvolcs sa ‘Level 3’ ang ‘Alert Level’ at kaagad siyang may tugon nang kaming mga kinatawan ng Albay ay magtanong,” sabi ni Salceda.
Umabot na sa 9,571 pamilya o 37,231 katao ang mga bakwit o pinalipat mula sa 6-kilometrong ‘permanent danger zone’ sa Albay.
Sinabi rin ni Salceda na nang magtanong sila kung paano matutulungan ang mga bakwit kung magtatagal ang pag-alburuto ng bulkan, tiniyak diumano ni Romualdez na hindi sila pababayaan at ito ay nagbigay ng katiwasayan sa kalooban at nagpagaan sa kaba ng mga opisyal ng Albay.
Beterano ng mga kalamidad si Salceda. Bago siya naging kinatawan sa Kamara, tatlong magkakasunod na termino (9 taon) siyang nagsilbing gubernador ng Albay hanggang 2016, kung kailan kasama ang pagsabog ng Mayon sa naranasan niyang mga kalamidad.
“Ang ginawang tulong ni Romualdez ay totoong napakahalaga. Kailangang pakainin ang mga bakwit lalo na sa unang mga linggo nila sa ‘evacuation centers’ na talagang mahirap sa kanila dahil nabulabog na nga ang kanilang kabuhayan at hindi madali ang i-asa sa ibang tao ang kanilang kakainin,” paliwanag ni Salceda.