MANILA, Philippines — Nagpadala na ng mga COVID-19 bivalent vaccines ang Department of Health (DOH) sa mga evacuation centers na agad itinayo makaraan ang pagsabog ng bulkang Mayon sa Albay upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, nasa 18 evacuation centers na ang itinayo kung saan namamalagi ang nasa 6,300 indibidwal. Masusi ang pagbabantay ng DOH sa mga evacuation centers na lantad sa posibleng pagkalat ng mga sakit sa respiratory partikular ang COVID-19.
Naglabas ng inisyal na P1.8 milyong pondo ang DOH para sa pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang maapektuhan ng pagsabog ng Mayon sa Albay.
Sinabi ni Herbosa na sa naturang halaga, nasa P303,000 ang agad na ibabahagi sa mga lokal na pamahalaan na apektado ng pag-aalburuto ng Mayon.
Itinaas na rin ng DOH ang Code Blue sa lahat ng mga ospital, kabilang ang mga non-DOH hospitals, partikular ang mga nasa Albay.
Sa ilalim nito, patataasin ang mobilisasyon ng mga serbisyong medikal at logistics sa mga apektadong lugar.
Nagpaalala rin ang ahensya sa mga residente at turista sa posibleng banta sa kalusugan kapag nalanghap ang sulfur dioxide o ashfall na ibinubuga ng bulkan.
Pinagsabihan ng kagawaran ang mga tao na kailangang magsuot palagi ng N95 masks bilang proteksyon.