MANILA, Philippines — Inakusahan ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inalok umano ng tig-P8 milyon ang mga nahuling suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
“Yun ang intelligence sa loob ng NBI (National Bureau of Investigation) na ganoon ‘yung alukan ng pera para itong mga taong ito ay bumaliktad,” saad ni Remulla sa panayam sa telebisyon.
Ang naturang halaga ay upang bawiin ng mga suspek ang nauna nilang affidavit na umaamin sa partisipasyon nila sa pagpaslang kay Degamo at pagturo kay Rep. Arnolfo Teves Jr., bilang mastermind sa asasinasyon.
Isang abogado ng isa sa mga suspek ang nag-alok umano ng naturang halaga sa mga nadakip na suspek, giit ni Remulla.
Nasa pangangalaga ngayon ng NBI sina Marvin Miranda, itinuturo rin na utak sa krimen; Rogelio Antipolo Jr., Winrich Isturis, Joven Javier, Romel Pattaguan, Eulogio Gonyon Jr., John Louie Gonyon, Jhudiel Rivero, Joric Labrador, Benjie Rodriguez, at Dahniel Lora.
Kumpiyansa ang kalihim na hindi nagustuhan ng korte ang pagbawi ng mga suspek sa nauna nilang pag-amin sa krimen makaraang ipagpaliban ang pagbasa ng sakdal sa kanila.
Samantala, kumpiyansa naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na malakas pa rin ang kaso ng pamahalaan laban sa mga suspek sa pagpatay kay Degamo sa kabila ng pagbawi ng ilang testigo sa kanilang mga salaysay.
Pinanigan din ni Abalos ang mga pulis at nanindigang isinagawa ng mga ito ang kanilang imbestigasyon sa kaso ng alinsunod sa itinatakda ng batas.
Inimpormahan din umano siya na may iba pang mga kasong kakaharapin si Teves. “I think this is in relation to the previous killings wherein he (Teves) was implicated.”
Una nang sinabi ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na ang pagbawi ng testimonya ng mga akusado sa kaso ng pagpatay kay Degamo at siyam na iba pang indibidwal, ay inaasahan na nila.
Nilinaw naman ni Fadullon na hindi ito nangangahulugan na ang mga nauna nilang pahayag ay hindi totoo.