MANILA, Philippines — Malalaman bukas sa pagpupulong ng Committee on Ethics and Privileges ng Kamara ang kahihinatnan ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. sa pagtatapos ngayong araw ng 60 days suspension na ipinataw dito bunsod ng hindi nito pagpapakita sa Kongreso.
Ayon kay Ako Bicol partylist Rep. Raul Bongalon, committee chairperson, posibleng talakayin ang ipapataw na sanction o penalty kay Teves na irerekomenda naman sa House plenary.
Aniya, sa ilalim ng House rules, expulsion o pagpapatalsik sa Kamara at parusa na nakasalalay sa komite ang maaaring ipataw kay Teves.
Marso, 2023 nang umalis patungong Amerika si Teves at hindi pa bumabalik hanggang ngayon dahil umano sa banta sa kanyang buhay dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4.
Nasampahan na rin ng kasong murder si Teves sa DOJ.
Dagdag pa ni Bongalon, ikokonsidera rin nila ang kalalabasan ng aplikasyon ni Teves ng political asylum sa Timor-Leste.
Nabatid kay Bongalon na ang usapin ay ang paso nang travel clearance ni Teves at pananatili nito sa ibang bansa na hindi na awtorisado ng Kamara.