Proteksyon ng OFWs, tiniyak ng Taiwan

This undated file photo shows OFWs.
STAR / Edd Gumban, file

MANILA, Philippines — Tiniyak ng gobyerno ng Taiwan ang pagbibigay ng proteksyon sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa kanilang bansa sakaling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng Taiwan at ng China.

Sinabi ni Manila Economic and Cultural Office Chairman Silvestre Bello III na tiniyak sa kaniya ng National Police Agency of Taiwan na handa silang magbigay ng matutuluyan sa 89,000 OFWs na nasa kanilang bansa sakaling umatake ang Beijing.

“I met with the Director General together with the head of the home Civi­lian Defense of Taiwan and they assured us that they will also protect our countrymen there,” ayon kay Bello.

Nasa 160,000 OFWs ang kabuuang nagtatrabaho sa Taiwan kung saan 90% ang nasa manpower services. Ang iba ay mga guro, magsasaka, at nasa hospitality industry.

Ito ay sa kabila ng tensyon na dinaranas din ng Taiwan mula sa China na nagpalakas ng mga military drills sa karagatang nakapaligid sa bansang isla. Ito ay kasunod ng mga pagbisita ng matataas na opisyal ng Estados Unidos umpisa noong 2022.

Nagkaroon ng agam-agam sa kundisyon ng mga OFWs sa Taiwan makaraang maglabas nitong nakaraang buwan si Chinese Ambassador Huang Xilian ng abiso laban sa pagsuporta ng Pilipinas sa ‘independence’ ng Taiwan kung pinahahalagahan umano ng ating gobyerno ang kapakanan ng mga manggagawa sa ibayong dagat.

Show comments