MANILA, Philippines — Nababahala si Senator Christopher “Bong” Go sa mga ulat na halos kalahati ng mga batang Pilipino ay hindi pa ganap na nabakunahan laban sa mga karaniwang sakit, tulad ng tigdas at polio.
Dahil dito, kumilos na si Go at hinimok ang mga awtoridad sa kalusugan, partikular ang Department of Health, na lutasin ang pag-aalinlangan sa bakuna at isulong ang kamalayan sa kahalagahan nito, lalo sa grassroots.
“As per report po, 57% lang ng target na mga kabataan sa buong bansa ang fully immunized po mula 2012 to 2021. Masyadong malayo po ito sa target ng DOH. Alam n’yo, this is a disaster waiting to happen,” ani Go matapos niyang saksihan ang groundbreaking ng Bago City Super Health Center sa Negros Occidental.
Sa ulat, binanggit ng United Nations Children’s Fund (Unicef) na ang tiwala sa pagbibigay ng mga bakuna sa mga batang Pilipino ay bumaba nang halos 25% o katumbas ng hindi bababa sa 67 milyong bata.
Binigyang-diin ni Go, pinuno ng Senate committee on health and demography, na kinakailangan ng isang mas komprehensibong diskarte upang labanan ang mga maling impormasyon ukol sa bakuna para maibalik ang tiwala ng publiko.
Idinagdag niya na ang pagkatakot o pag-aalinlangan ng marami sa bakuna ay nagdudulot ng malaking balakid sa epektibong pagkontrol sa pagkalat ng mga sakit.
Kaya naman nanawagan siya sa mga kinauukulang ahensya at awtoridad sa kalusugan na tiyakin ang accessibility ng mga bakuna upang madaling maibigay sa mas maraming Pilipino hangga’t maaari.