MANILA, Philippines — Nasorpresa ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang mga manggagawang dumalo sa kick-off Labor Day celebration kahapon sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Ito’y matapos na magpa-raffle ang Pangulo ng limang house and lot.
Mismong si Marcos ang bumunot ng pangalan ng mga manggagawang nakatanggap ng bahay at lupa sa pamamagitan ng Pag-ibig Fund.
Masuwerteng nabunot sa raffle sina Anna Lara, Cipriano Reyes Basalo, Deborah Romero, May Justine Villarin at Heda Villada.
Tatlong house and lots lamang ang orihinal na ipapamigay ng Pangulo subalit ginawang lima dahil ang unang dalawang pangalan na nabunot ay nasa activity center ng Kadiwa ng Pangulo na nakahiwalay ng lugar sa SMX Convention Center.
Ayon sa Pangulo, kinurot-kurot niya si Housing Secretary Gerry Acuzar para madagdagan pa ng isa ang bahay at lupa na ipapa-raffle.
Nauna rito, sinaksihan ng Pangulo ang memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para suportahan at palakasin ang puwersa ng mga manggagawa sa pamamagitaan ng livelihood programs, job creations at skills training.