MANILA, Philippines — May mungkahi ang ilang kababaihang magsasaka kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makamit ang inaasam nitong "rice self-sufficiency" sa loob ng apat na taon — ang tuluyang pagbabasura ng Rice Liberalization Law at pagpalit dito ng batas na pakikinabangan ng lokal na industriya.
Martes nang ianunsyo ng Department of Agriculture, na pinangungunahan ni Bongbong, ang planong hindi na pag-angkat (import) ng bigas ng Pilipinas mula sa mga dayuhang bansa simula 2027 sa pamamagitan ng Masagana Rice Program 2023-2028 nito.
Related Stories
"Kung seryoso, dapat ngayon pa lang ipawalambisa ang Rice Liberalization Law. Ibalik ang regulatory power ng [National Food Authority] na hindi lang sa buffer stocking, maglaan ng malaking badyet para bilhin ang palay ng mga magsasaka kasabay nito, may ayuda at subsidyong binibigay," wika ni Amihan - National Federation of Peasant Women secretary general Cathy Estavillo, Miyerkules.
"Sa ngayon, dapat itigil din ang malawakang land use conversion sa mga palayan o lupain para sa food production. Kung 2027 pa, baka wala nang maitanim at makain ang mamamayan dahil dito."
Tumutukoy ang Rice Liberalization Law o Republic Act 11203 sa batas na nagtanggal ng limitasyon sa pagpasok ng bigas ng mga banyaga sa Pilipinas kapalit ng pagbabayad ng taripa.
Una nang sinabi ng mga progresibong grupong babansutin imported na bigas ang lokal na produksyon lalo na kung ito ang pabahain sa merkado nang walang humpay.
"Matagal na naming panawagan ang rice self-sufficiency batay sa local production at hindi importasyon. Dahil sa may RA 11203 Rice Liberalization Law, imposible ang rice self-sufficiency kung importasyon pa rin,"
"'Wag dapat iasa ng gubyerno ang pag-stabilize ng supply at presyo ng palay at bigas sa mga pribado at importers."
Itinutulak ni Marcos Jr. ang naturang plano habang ipinapangako sa publiko ang pagbababa ng presyo ng bigas sa P20/kilo. Malayo pa ito sa katotohanan ngayong nasa P34 hanggang P60/kilo pa ito, ayon sa Department of Agriculture.
Setyembre 2022 lang nang sabihin ng Anakpawis na umabot na mahigit P200 bilyon ang nalugi sa mga magsasaka dahil sa RA 11203 noong taong 2021.
Matagal nang panawagan ng mga aktibista na isabatas ang Rice Industry Development Act (RIDA) o House Bill 404 ng Makabaan bloc na sasagot daw sa food security batay sa self-sufficiency at self-reliance ng bansa.
Kung maipatutupad, maglalaan ito ng P495 bilyong pondo para sa sektor ng palay "para makamit ang paborableng presyong farm gate" na hindi bababa sa P20/kilo at sa presyong retail na P25/kilo.
'Five-year program'
Kahapon lang nang sabihin ng DA na plano nitong i-stabilize ang suplay ng bigas mula 24.99 milyong metric tons patungong 26.86 milyong MT sa "five-year program" nito.
Layunin din nitong ibaba ang rice inflation patunngo sa wala pang 1% taun-taon, maliiban sa pagpapataas ng kita ng mga magsasaka ng 54% maliban sa pagtitiyak ng sapat na buffer stock sa pamamagitan ng NFA.
Tinukoy ng kagawaran ang apat ng stratehiya para mapataas ang produksyon:
- climate change adaptation
- farm clustering at konsolidasyon para maitaguyod ang "convergence of interventions"
- value chain approaching
- "transpormasyon" ng industriya ng palay
Ani DA Assistant Secretary Rex Estoperez, kinakailangang mapanatili ng kanilang kagawaran ang pangangailangan sa bigas ng Pilipinas na siyang tinatayang 37,000 metric tons kada araw.
Kamakailan lang nang kanselahin ng DA at NFa ang pag-angkat ng 330,000 metric tons ng bigas dahil sa isyu ng ligalidad.
Matatandaang nagkasa ng kapangalang Masagana 99 ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. mula 1973 hanggang 1984. Ama ni Bongbong ang nakatatandang Marcos.
Pinaghahandaan ngayon ng gobyerno ang posibilidad ng isang rice shortage sa gitna ng banta ng El Niño.