MANILA, Philippines — Ipinasa ng Kamara nitong linggo ang House Bill 7387 na pangunahing binalangkas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na naglalayong palawakin ang mga serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa lahat ng sektor ng agrikultura at ang pakikilahok sa naturang programa ng pribadong sektor.
Ipinaliwanag ni Salceda na ang pagpapalawak sa ‘crop insurance system’ ay mabisang paraan upang protektahan ang mga magsasaka sa banta ng pagkaluging dulot ng mga peste sa mga hayop gaya ng “African Swine Fever” at pananim tulad ng “rice ‘Tungro’ virus (RTV),” na patuloy na magiging lalong mabagsik dahil sa ‘climate change’ o pagbabago ng panahon.
Pinuna ni Salceda na sa kasalukuyan, sinasaklaw ng programang ‘crop insurance’ ng bansa “ang halos lahat ng dapat saklawin nito ngunit walang gaanong mahalagang partisipasiyon ang pribadong sektor sa naturang programa.”
“Dahil sa ‘climate change,’ asahan nating lalong magiging mabagsik ang mga peste sa hinaharap. Bagama’t sumusulong din ang ‘bioscience’ sa agrikultura, kailangan pa rin nating tiyakin ang suporta ng ‘financial sector’ sa programang ‘crop insurance,’ giit ni Salceda na kilala sa kampanya para sa ‘climate change adaptation.’
Ayon sa kanya, matinding pinilay ng pinakahuling pananalasa ng AFS ang industriya ng karne sa bansa, habang pinadapa naman kamakailan ng ‘Tungro’ ang pagsasaka ng palay sa kanyang lalawigan ng Albay.
“Sadyang kailangang protektahan natin ang ating mga magsasaka at pagkain. Walang higit na mahalagang hakbang para isulong ang pambansang siguridad natin kaysa protektahan ang ating mga mamamayan,” madiin niyang ipinaliwanag.