Teves, 6 pa kinasuhan ng CIDG

Ang mugshots ng mga kawani ni Rep. Arnolfo Teves na inaresto at kinasuhan ng PNP-CIDG.
STAR/File

MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kaso ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. at anim nitong staff kaugnay sa mga hindi umano lisensiyadong mga armas at bala na nakuha sa isinagawang raid sa mga bahay ng kongresista ng nakalipas na linggo.

Ayon sa PNP-CIDG, bukod kay Teves sinampahan din ng kaso sina Hannah Mae Sumerano Oray, sekretarya ng kongresista; mister nitong si Heracleo Sangasin Oray; Jose Pablo Gimarangan; Roland Aguisanda Pablio; Rodolfo Teves Maturan, at Kyle Catan Maturan.

Isinagawa ang mga raid sa limang magkakaibang address sa Basay at Bawayan City sa Negros Oriental nitong Biyernes.

Nabatid na sina Teves, Gimarangan at Pablio ay kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591) at sa Law on Explosives (RA 9516) habang “infringement” ng RA 10591 kina Hannah Mae Oray, Heracleo Sangasin Oray, Rodolfo Teves Maturan, at Joseph Kyle Catan Maturan.

Nilinaw naman ni PCol. Thomas Valmonte, CIDG legal division chief, na walang sinu­render na mga baril at sa halip ay pawang nakuha sa bisa ng search warrant. Ang mga ito ay walang kaukulang papeles.

Wala sa mga bahay nang isagawa ang raid si Cong. Teves na kasalukuyang nasa ibang bansa, gayunman ay sasampahan pa rin siya ng kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9516, kasama sina Kurt Mathew Teves, at Axel Teves.

Samantala, inaalam na rin ng PNP ang supplier ng baril ni Teves na nagkuha sa raid at sa mga suspek.

Ani PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. bawat supplier ay may identified gun dealers.

Tukoy na ang serial numbers ng mga baril subalit walang dokumento kaya maituturing na loose firearms.

Show comments