MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may tulong na ibibigay ang gobyerno sa mga indibiduwal na apektado ng oil spill dulot ng lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Sinabi ni Marcos na makakarating ang tulong sa pamamagitan ng Department of Social Work and Development (DSWD) na mamamahagi ng tulong sa mga apektadong indibiduwal at mga pamilya.
Tiniyak din ni Marcos na mahigpit na binabantayan ang sitwasyon kasama ang Philippine Coast Guard (PCG) bilang nangungunang ahensya.
Bibigyan din aniya ng espesyal na atensyon ang mga apektadong mangingisda na mawawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill.
Ayon pa sa Pangulo, nakikipagtulungan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa International Maritime Organization (IMO) at Department of Interior and Local Government (DILG) at handang magbigay ng suporta sa lokal na pamahalaan at tukuyin ang kanilang partikular na pangangailangan.
Nagpapasalamat din ang Pangulo sa mga pribadong korporasyon katulad ng Petron at Shell, na nag-alok ng kanilang tulong sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga kinakailangang kagamitan para mabawasan ang epekto ng oil spill.