Para sa ‘poorest of the poor’
MANILA, Philippines — Inihahanda na ng gobyerno ang paglulunsad ng isa pang round ng cash aid sa ilalim ng Targeted Cash Transfer (TCT) program upang makatulong sa mga consumers sa gitna ng mataas na inflation rate.
“Right now, we’re considering the two-month subsidy for consumers,” ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.
Sinabi ni Diokno na ilulunsad agad ang programa sa sandaling matukoy ng gobyerno kung saan kukunin ang pondo.
Hinihintay na rin lang aniya ang anunsiyo ng Malacañang.
“We’re just waiting for the announcement from the Palace,” ani Diokno.
Ayon pa kay Diokno, planong palawigin ang TCT program ng Department of Social Welfare and Development ng dalawa pang buwan.
Ipinaliwanag pa ni Diokno na ang TCT ay para sa mga “poorest of the poor” at iba pa ito sa 4Ps o conditional cash transfer program ng gobyerno.
“This is for the poorest of the poor, not necessarily the 4Ps. Iba pa ‘yung 4Ps. Sometimes if nasa 4Ps ka, kasama ka na rin dito,” ani Diokno.
Sa halip na P500, balak gawing P1,000 ang ibibigay sa mga benepisyaryo na umaabot sa 9.3 milyon at nagkakahalaga ang programa ng P9.3 bilyon.
Walang ibang detalye na binanggit si Diokno pero sinabi na malapit nang mag-anunsyo ang DOF.