MANILA, Philippines — Hindi lamang sa Estados Unidos dapat magsagawa ng Visiting Forces Agreement (VFA) ang Pilipinas kundi maging sa Australia, Canada, New Zealand at South Korea.
Ito ang ginawang paghikayat ni 2nd District Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa administrasyon matapos mapaulat na ‘work in progress’ na ang planong VFA ng Pilipinas sa Japan.
Ayon kay Rodriguez, kailangang pagtuunan ng pansin ni Pangulong Marcos ang pagsusulong ng defense and security cooperation hindi lamang sa Japan kundi maging sa nabanggit pang mga bansang kaalyado ng Pilipinas.
Sinabi ng solon na tulad ng sa US, dapat ding makipagnegosasyon at magkaroon ang Pilipinas ng VFA sa naturang mga bansa sa gitna ng tumitinding banta ng China.
Matatandaan na kamakailan lamang ginamitan ng China ng kanilang military-grade laser ang BRP Malapascua, ang Philippine Coast Guard vessel na nagresulta sa pansamantalang pagkabulag ng PCG crew.
Una rito, inianunsyo ni Pangulong Marcos ang kaniyang intensiyon na magpatibay ng VFA sa Japan sa pagbisita nito sa Tokyo.
Nagpahayag naman ng kahandaan ang Japanese gov’t na makiisa sa joint military exercises and humanitarian missions ng Pilipinas.