MANILA, Philippines — Nasa 38% lamang ng mga estudyante na nasa Grades 1 hanggang 3 ang pabor na gamitin ang kanilang lokal na lengguwahe bilang medium of instruction o paraan ng pagtuturo sa mga paaralan.
Ito ang lumitaw sa isang survey na isinagawa ng Pulse Asia at kinomisyon ni Senator Win Gatchalian.
Base rin sa resulta ng survey, ang Filipino, na siyang national language, ang ‘most preferred’ na gamitin ng 88% ng mga respondents, habang sumunod naman ang wikang English na nakakuha ng 71%.
Nabatid na tinanong ang mga respondents sa kanilang opinyon hinggil sa lengguwahe o mga wika na nais nilang gamitin sa pagtuturo ng mga estudyante sa Grades 1 to 3.
Samantala, lumitaw rin sa survey na nasa kalahati ng mga respondents sa Visayas at Mindanao ang mas nais na gamitin ang kanilang local language bilang medium of instruction sa nasabing mga baitang.
Ang naturang commissioned survey ay mayroong 1,200 respondents at isinagawa noong Setyembre 17 hanggang 21 ng nakaraang taon.