MANILA, Philippines — Plano ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ibalik ang food coupon program sa ahensiya upang mapababa ang problema sa pagkagutom ng maraming mahihirap na Pinoy.
Ayon kay Gatchalian, ang hakbang ay reaksyon sa lumabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) noog nagdaang buwan na nagsasabing may 3 milyong pamilya ay nakakaranas ng kagutuman.
Anya, ang problema sa kahirapan ay hindi mabilis masolosyunan pero ang pagkalam ng sikmura dulot ng pagkagutom ay mabilis na maresolba sa pamamagitan ng pagkakaloob ng makakain sa hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino.
Sinabi nito na kinakausap na niya ang mga undersecretaries ng DSWD para sa posibleng pagbabalik ng food stamp program sa koordinasyon ng pribadong sektor para matamo ang tagumpay ng naturang programa.
Ayon pa kay Gatchalian, itutuloy niya ang ipinatutupad na digitalization sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan na unang ginawa ni dating DSWD secretary Erwin Tulfo.