MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pahayag ng mga economic leaders sa World Economic Forum (WEF) na ang Pilipinas ay bahagi ng “VIP Club,” isang listahan ng mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamahusay na ekonomiya.
Ayon sa Pangulo, ang paglahok ng Pilipinas sa WEF sa Davos, Switzerland ay nagsilbing mahusay na plataporma upang ipakita ang malakas na pagganap ng ekonomiya ng Pilipinas.
“Mabuti naman at nakapunta tayo rito, dahil sa pagpunta natin, nasama tayo sa tinatawag nilang VIP Club… ‘Yung VIP Club ay Vietnam, Indonesia, and Philippines. ‘Yun daw ang pinakamagandang ekonomiya sa Asya,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na nakipagpulong siya sa mga pandaigdigang pinuno sa pandaigdigang forum, kasama ang ilang dayuhang mamumuhunan na nagpahayag ng layunin na galugarin ang mga oportunidad sa negosyo sa Pilipinas.
“Napakaganda ng mga naging pangyayari dahil napakarami naming nakilala at nakausap na mga sikat na mga economic leaders at mga political leaders at nandito silang lahat,” pahayag pa ni Pangulong Marcos.
Nakipagpulong ang Pangulo kay WEF Founder at Chairman Emeritus Klaus Schwab, na itinuturing niyang “mahal na kaibigan ng Pilipinas.”
Tinalakay ng dalawa ang partnership at collaboration para matulungan ang Pilipinas na mapanatili ang pantay at inklusibong paglago at magbigay ng mas magandang kalidad ng buhay para sa mga Pilipino.
Bukod kay Schwab, nakipagpulong din ang Pangulo kina World Trade Organization (WTO) Director-General Ngozi Okonjo-Iweala, World Bank Managing Director for Operations Axel Van Trotsenburg, International Monetary Fund (IMF) Managing Director Kristalina Georgieva, at dating Punong Ministro ng United Kingdom na si Tony Blair.
Layon umano ng pagdalo sa pagpupulong ni Marcos ay hindi lang para bigyang diin ang bagong sitwasyon sa ekonomiya at mga konsepto na isinusulong sa bansa kundi para na rin matuto sa iba’t ibang world leader at maipakita ang pakikibahagi sa Asean bilang isa sa nangungunang ekonomiya sa Asya.