MANILA, Philippines — Itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inisnab niya ang kahilingan na makausap sa telepono si Ukraine President Volodymyr Zelenskyy.
Nilinaw ni Marcos na kasalukuyang dumadalo sa World Economic Forum sa Switzerland na nakahanda siyang kausapin ang lider ng Ukraine.
“I have no problem with talking to President Zelenskyy, especially now that mainit na ang giyera doon sa kanila. So of course we are --- again on the side of peace and that remains the same,” ani Marcos.
Ginawa ni Marcos ang paglilinaw ilang araw matapos sabihin ng isang Ukrainian envoy na hindi pa tumutugon ang Maynila sa request nila para sa isang tawag sa telepono sa pagitan nina Marcos at Zelenskyy upang pag-usapan ang bilateral na kooperasyon.
“There was talk of it a few months ago, pero hindi lang napag-usapan. Nagulat kami when the special envoy came out and said na hindi sinasagot. Sinagot namin, but we didn’t get it scheduled,” ani Marcos sa panayam ng mga kasama niyang media sa Switzerland.
Nauna rito, humingi na ng paumanhin si Denys Mykhailiuk, Chargé d’affaires ng Ukraine Embassy sa Malaysia, noong nakaraang linggo dahil sa hindi pagkakaunawaan sa kanyang pahayag sa isyu.
Matatandaan na hindi nagustuhan ng Department of Foreign Affairs at tinawag na hindi magandang “diplomatic practice” ang ginawa ni Mykhailiuk na idinaan pa sa media ang isyu tungkol sa pagnanais ng lider ng Ukraine na makausap si Marcos.
Tiniyak ni Marcos na sa gitna ng sigalot sa pagitan ng Ukraine at ng Russia ay nananatili ang Pilipinas sa panig ng kapayapaan.