MANILA, Philippines — Inihayag ni Ako Bicol at House of Appropriation Chairman, Congressman Elizaldy Co na prayoridad ng 19th Congress sa pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez na maiahon sa kahirapan ng buhay ang mga mahihirap na mamamayan sa bansa.
Ayon kay Co, pagbukas pa lang ng 19th Congress noong July, sinabi na sa kanya ni Speaker Romualdez na tutukan ang pag-ahon ng mga mahihirap na kababayan dahil iyon din ang gusto ng Marcos administration.
“For this reason, ilang bilyon ang ipinalaan ni Speaker Romualdez sa 2023 national budget para sa social services ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Health (DOH), ayon kay Cong. Co.
Bagamat walang ibinigay na halaga si Co kung magkano ang pondo ang inilaan nila sa DSWD para sa Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) ng DOLE, at Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) ng DOH, bilyon-bilyong piso raw ito at sapat para makatulong sa mga mahihirap na kababayan.
Paliwanag ng chairman ng House Appropriations Committee, galing sa pandemic ang bansa kaya batid nila ang pinagdaanang hirap ng mga kababayan.
“Kung walang trabaho, nariyan ang TUPAD ng DOLE. Kung kailangan ng makakain o gamot o pamasahe ng tao, pwede silang lumapit sa DSWD”, ayon sa mambabatas.
Dagdag pa ni Cong. Co, “wala na rin silang poproblemahin sa paospital dahil pwede silang humingi ng pambayad sa DOH, sa pamamagitan ng MAIP”.