Freelance delivery riders, hirit bigyan ng night differential at hazard pay

MANILA, Philippines — Upang umakma sa pa­tuloy na paglawak ng sektor ng ‘independent service providers’ na itinuturing na economic drivers o nagpapalakas sa ekonomiya ng bansa, isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong maprotektahan at mai­taguyod ang karapatan ng mga ‘freelance workers’.

Si 1st District Davao City Rep. Paolo Duterte ay naghain ng House Bill 3738 para lingapin ang kapakanan ng mga freelance workers kabilang ang mga food delivery driver, courier at iba pa.

Aniya, bagama’t dumarami ang ‘freelance workers’, na nagsimula sa panahon ng pandemya, sa ngayon ay walang kaukulang batas o anumang regulasyon ng gobyerno para sa kanilang hanay.

Ayon sa Davao City solon, base sa 2019 Global Gig Economy Index ng financial services provider Payoneer, ang Pilipinas ay pang-anim sa buong mundo na nakapagtala ng “fastest-growing market for freelancers”.

Nakasaad din sa report na tinatayang nasa 1.5 million hanggang 2 million ang Filipino freelancers sa bansa at sa pinakahuling datos ay tumaas ng 35 % ang naitalang kabuuang kita ng mga ito.

Kaya naman para mabigyan sila ng proteksiyon at maisulong ang kanilang karapatan, sa ilalim ng HB 3738 ay iminungkahi ng kongresista na magkaroon ng written contracts sa pagkuha sa freelance workers at kung kinakailangan ay dapat mabigyan sila ng night differential at hazard pays.

Ayon kay Duterte, dapat nakasaad sa nilagdaang kontrata kung anu-ano ang mga serbisyong ibibigay ng independent workers, maging ang bayad o rate of payment sa kanila, ­paraan sa pagkuwenta nito at kailan dapat maibigay ng kumpanya.

Sa naturang kontrata, sinabi ng kongreista na ilalagay din ang period of employment at mga magi­ging basehan para matukoy kung mayroong nagawang paglabag sinuman sa dalawang panig kasama na ang pagpapataw ng kaukulang parusa o penalty.

Samantalang, hinihimok naman ng solon  ang mga freelance worker na magparehistro at magbayad ng kanilang kaukulang buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at ipinaalaala niya na ang mga ito ay sakop ng tax relief provisions sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law at makikinabang din sa itinatakda ng Barangay Micro Business Enterprises Act.

 

Show comments