CHR iimbestigahan pagpatay ng AFP sa award-winning writer, peace consultant

Makikitang itinataas ni Ericson Acosta, namatay na consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang kanyang mga kamao
Mula sa Facebook page ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas

MANILA, Philippines — Sinimulan na ang Commission on Human Rights ang isang independent probe sa diumano'y extrajudicial killing kina Ericson Acosta — consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) — at kasama niyang aktibistang si Joseph Jimenez.

Ika-30 ng Nobyembre nang mapatay ang award-winning writer, singer at peasant rights advocate na si Acosta kasama si Jimenez ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Negros Occidental sa sinasabi ng militar na "engkwentro nila laban sa New People's Army."

Ito'y kahit una nang sinabi ng ligal na Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Communist Party of the Philippines (CPP) na walang engkwentrong nangyari. Pareho rin daw walang armas sina Acosta at Jimenez nang mapatay.

"Based on initial news reports and the statement from Karapatan Negros chapter, Acosta and Jimenez were taken alive by personnel of the 94th and 47th Infantry Battalions of the Philippine Army in Sitio Makilo, Barangay Camansi in the city of Kabankalan on 30 November 2022 at 2:00 AM," ayon sa CHR sa isang pahayag, Miyerkules.

"They were later reported as casualties in an alleged encounter with the Armed Forces of the Philippines (AFP)."

Una nang sinabi ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), dating naging organisasyon ni Acosta, na pinaputukan din ng mga sundalo ang tirahan ng pamilya ng silbilyang si Ronald Francisco para palabasing may nangyaring engkwentro. 

Hindi lang 'yan, dinitene pa raw ang nabanggit pati ang kanyang asawa't tatlong anak sa kampo ng 47th Infantry Batallion.

Itinanggi naman ito ng AFP at sinabing "propaganda lang ito" para pagtakpan ang pagkatalo ng mga rebelde.

"It is expedient to probe the truth and deliver justice in all allegations of arbitrary killing that desecrate the right to life. As the State has the prime duty to protect life, CHR expects parallel probe by the concerned authorities," sabi pa ng CHR.

"We also request the cooperation of the AFP to ensure the conduct of a swift and impartial investigation."

Idinidiin naman ngayon ng komisyon ang kahalagahan ng pagsunod ng lahat ng panig sa Interntational Humanitarian Law sa mga sitwasyon ng digmaan, lalung-lalo na sa panig ng gobyerno.

Bilang itinutulak ng gobyerno ang "unity," nananawagan ang CHR na ibigay ng estado ang equal protection at pagrespeto sa karapatang pantao anuman ang socio-political affiliation o ideolohiya ng mga tao.

'Hinuli muna bago patayin, sinaksak'

Kinundena na ng sari-saring ligal na grupo at ng mga rebolusyonaryo ang pagpatay kina Acosta at Jimenez. Una nang sinabi ni Marco Valbuena, chief information officer ng CPP, na walang NPA unit sa naturang erya. Aniya, "summary execution" at "war crime" ang nangyari.

"Being a member of the CPP/NPA, all the more that Acosta's rights under the Geneva Conventions, and the Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), should have been respected," sabi pa ni Valbuena.

"After being captured and their identities ascertained, Acosta should have been granted the status of a prisoner of war, and Jimenez, as a civilian."

Matapos ang inisyal daw na pangangalap ng datos, napag-alaman ding pinagsasaksak din ang mga biktima.

Ilan sa mga tungkulin ni Acosta bilang CPP-NPA leader sa Negros ang pagiging consultant ng NDFP, bagay na naglulunsad ng social investigation sa lumalalang kondisyon ng mga magsasaka at manggagawang bukid.

Bago isara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa CPP-NPA, ang NDFP ang humaharap sa gobyerno para sa peace talks upang magkasundo sa ilang reporma.

Taong 2011 nang maaresto rin noon si Acosta dahil sa diumano'y "illegal possession of explosives." Pinalaya siya ng Department of Justice noong 2013 matapos mapatunayang walang basehan ang mga reklamo laban sa kanya.

Maliban sa pagiging makata at mang-aawit, isa rin si Acosta sa mga screenwriters ng pelikulang "The Guerilla is a Poet," na siyang isinabak pa sa CineFilipino Film Festival noong 2013 at nakakuha ng apat na parangal— James Relativo

Show comments